WIKANG PANG-TELEBISYON: ALAMIN AT UNAWAIN TUNGO SA MABISANG
PAKIKIPAGUGNAYAN
___________________________________________________________________
PAPANIMULA/KALIGIRAN
_________________________________________________________________________
Ayon kay Frauline Tadle (2012), sa pagdaan ng mga taon ay kapansin-pansin na tila ba ay araw-araw at tuloy-tuloy ang pag-unlad ng teknolohiya. Bilang bahagi ng lumalago at lumalawak na industriya, kaliwa't kanan ang paglabas ng mga produkto tulad ng mga cellphone mula sa Samsung at laptop mula sa Apple. Sa kasalukuyan, ito na ang mga kagamitang unti-unting pumapalit sa tradisyunal na mga kompyuter na may keyboard, monitor, CPU at mouse. Sa kabila ng lahat ng pagbabagong ito, hindi pa rin nito tuluyang mapapalitan ang telebisyon bilang isang pangunahing paraan ng telekomunikasyon.
Ayon sa Limited Effects Theory (1940-1950), ang mga tao ang pumipili ng kanilang mga tatangkiliking palabas sa telebisyon. Napili ang tao ng kanyang mga gustong panoorin batay sa kanilang mga paniniwala, opinion at lalo’t higit ay batay sa kanilang kagustuhan. Sa panahon ngayon, halos lahat ng tao ay kayang magbago para lang makisabay sa mga sumisikat na bagay na kung tawagin sa ingles ay “trend”; at sa bagay na ito, madalas mga kabataan ang sumusunod upang hindi sila mahuli sa mga bagay na sumisikat ngayon, at kasama na dito ang paggamit ng mga salitang hindi naman nila alam ang kahulugan.
Ang telebisyon sa Pilipinas ay gumagamit ng lingua franca o pinaghahalong tagalog at ingles upang mas maintindihan ng mga manonood ang mga impormasyon at mensahe na kanilang hatid. Kung kaya’t nakakalikha din ang iba’t ibang programa sa telebisyon ng mga salitang tinatangkilik ng masa at lalong higit ng mga kabataan, sa pamamamagitan ng mga sikat na personalidad. Isang halimbawa nito ay ang mga variety shows kagaya ng Showtime at Eat Bulaga na may mga salitang pinapauso na patok na patok sa masa. Katulad na lamang ng PBB Teens, havey at puchu-puchu na pinauso ng personalidad na si Vice Ganda ng Showtime at Dabarkads naman na pinauso ng Tito, Vic and Joey ng Eat Bulaga. Dahil sa mga salitang ito ay mabilis na lumalago ang bokabularyong Filipino. Kalakip ng paglagong ito ay ang unti-unting paghina ng mga Pilipino sa pormal at tamang pag-gamit ng salita na maaaring maka-apketo sa larangan ng pakikipagtalastasan sa lipunan na maaring pagsimulan ng sigalot.
___________________________________________________________________
MUNGKAHING TITULO
_________________________________________________________________________
Wikang Pang-Telebisyon: Alamin at Unawain Tungo sa Mabisang Pakikipagungayan
Nasasaad sa mungkahing titulo na sa pamamagitan ng pag-unawa at pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wikang pang telebisyon ay matatamo ang mabisang pakikipagunayan. Ipinakita din sa panimula ng konseptong papel na ito na nakakaapekto ang kaalaman natin sa mga salitang ating ginagamit sa paraan ng ating pakikipagtalastasan at isang halimbawa nito ay ang mga salitang ating natututunan mula sa iba’t ibang variety shows sa telebisyon. Samakatuwid kung ang bawat isa ay magkakaroon ng maayos na paraan ng pakikipagtalastasan, kapayapaan at pagkakaisa ay makakamit na siyang magiging simula ng isang matatag at nagkakaisang bansa.
___________________________________________________________________
RASYUNAL
_________________________________________________________________________
Ayon kay Frauline Tadle (2012), mayroong dalawang pangunahing
channel ng telebisyon sa Pilipinas: ABS-CBN at GMA. Ang paglawak ng tema ng mga
palabas sa telebisyon ay iniaayon ng mga nasabing kumpanya batay sa ninanais at
tingin nila ay kailangan ng mga manunuod. Ilan dito ay News and Public Affairs,
Sitcom, Reality, Drama Series, Foreign, Talk at Variety Shows. Dahil ang mga
ito ay pawang tugon ng mga istasyon sa hiling ng kanilang mga viewers, ang
pagiging malapit nito sa madla ay tila ba isang epekto nito. Hindi
kataka-takang nagawa nitong maipluwensiyahan ang paraan ng pamumuhay ng masa,
lalo na ang wika. Mababakas ito sa pang-araw-araw nating pakikipag-ugnayan sa
ating kapwa. Ang mga salita, parirala o kataga na ito na pinasikat ng mga
personalidad sa telebisyon ay naging bahagi na ng ating verbal na komunikasyon sa
kabila ng kakulangan natin ng kaalaman hinggil sa etimolohiya ng mga ito. Isang
kongkretong patunay dito ang mga variety shows katulad ng Eat Bulaga ng GMA at
Showtime ng ABS-CBN. Ang layunin lamang ng mga variety shows na ito ay bigyang
aliw ang mga tao habang kumakain ng tanghalian subalit kasabay ng modernisasyon
ay may mga salitang nauuso sa mga variety show na mabilis namang
nakakaimpluwensya sa bokabularyo ng mga tao lalo na sa mga kabataan. Dahil sa
mga pinapauso ng variety shows na ito, napaghahalo ang mga salitang Ingles at
Filipino, na nagiging dahilan upang magkaroon ng mga panibagong salita. Isang halimbawa
nito ay ang salitang “nahook” na ang ibig sabihin ay nahumaling. Isa pa ay pinapa-ikli
nito ang mga mahahabang salitang Filipino, katulad na lamang ng salitang
“Ansaveh” na nagmula sa pariralang “Anong masasabi mo doon?” Ilan lamang yan sa
mga pinausong salita ng mga variety show. Kung ating mapapansin ay maaring ang
iba ay alam ang ibig sabihin ng mga salitang ito subalit may iba din naman na
hindi nakakaalam kung kaya’t kapag ang kausap mo ay hindi alam ang mga salitang
ito o di kaya ay mali ang pagkakagamit mo ng salita ay maaaring magkaroon ng
hindi pagkakaunawaan sa pagitan ninyong dalawa na maaaring pagsimulan ng
kaguluhan. Kung kaya’t ito ang nais
bigyang pansin ng konseptong papel na ito sapagkat ang isyung ito ay laganap sa
ating lipunan at lalong higit sa kabataan. Ang isyung ito ay mahalagang
pagtuunan ng pansin, sapagkat kapag nagpatuloy ang isyung ito ay maaaring magkaroon
ng hindi pagkakaunawaan ang bawat isa dahil madaming tao ang gumagamit ng mga
salitang galing sa telebisyon kahit hindi naman alam ang kahulugan nito, sa
madaling salita ay nakikiuso lamang. Kung kaya’t dapat na itong wakasan upang
hindi na lalong lumala at maka apekto sa susunod na henerasyon.
___________________________________________________________________
MITHIIN
_________________________________________________________________________
Isa sa mga mithiin ng konseptong papel na ito ay imulat ang masa at lalong higit ang mga kabataan sa tamang pag gamit ng mga salitang kanilang natututunan mula sa mga variety show sa telebisyon, sapagkat maaring ito ang maging susi para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan ng bawat isa. Hangad din ng konseptong papel na ito na mabigyan ng kaalaman ang bawat isa sa mga kahulugan ng mga salitang kanilang natututunan sa telebisyon upang kanilang malaman kung angkop ba ang mga salitang kanilang ginagamit sa tuwing makikipag usap sila sa iba gamit ang mga salitang kanilang natututunan sa telebisyon.
___________________________________________________________________
LAYUNIN
_________________________________________________________________________
Pangkalahatang layunin ng konseptong papel na ito na maipakita kung papaano maaaring mapormalisa ang wika sa mass telebisyon. Samantala, ang mga tiyak na layunin naman ay ang sumusunod:
1. Tukuyin ang papel ng telebisyon sa pag-unlad ng bokabularyong Filipino at alamin ang kahalagahan ng tamang paggamit ng salita sa pamamagitan ng isang pagsisiyasat o pagtatanong sa mga estudyante.
2. Magkakaroon ng online survey tungkol sa mga salitang natututunan sa telebsiyon at alamin ang kahulugan ng mga salitang ito.
3. Bubuo isang glosaryong pang telebisyon na naglalaman din ng mga salita na nauso mula sa telebisyon at mga kahulugan nito. Ang mga salitang ilalagay sa glosaryong ito ay nakabatay sa survey na gagawin.
4. Magkakaroon ng paligsahan tungkol sa paramihan ng alam na salita mula sa telebisyon at tamang kahulugan nito.
_____________________________________________________________
DISENYO
_________________________________________________________________________
Ang unang proyekto ng adbokasiyang ito ay ang pagsisiyasat o pagkalap ng impormayon, kami ay magtatanong sa mga piling estudyante upang makakuha ng datos na aming kinakailangan. Ang mga katanungan ay naka pokus sa papel ng telebisyon sa pag-unlad ng bokabularyong Filipino at sa tamang paggamit ng nito. Sa pamamagitan nito ay magiging bukas ang isipan ng mga estudyante sa papel ng telebisyon sa kanilang mga bokabularyong ginagamit sa pang araw-araw. Pangalawa ay ang pag gawa ng online survey tungkol sa mga mga salitang nauusao sa telebisyon. Ito ang magiging unang hakbang namin para sa ikatlong proyekto. Ang ikatlo naming proyekto ay ang pagbuo ng isang glosaryong pang telebisyon na kung saan ito ay naglalaman ng mga salita na nauso mula sa telebisyon at nakasaad din sa glosaryong ito ang mga kahulugan ng mga salita. Ang mg salitang ilalagay ay mula sa online survey na aming gagawin at ang ikalawa ay batay sa mga pananaliksik ng proponent. Ang glosaryong ito ay makakatulong upang maiwasan ang mga pagkalito tungkol sa mga kahulugan ng mga salitang nauuso sa telebisyon at ito ay makakatulong upang magkaroon ng isang maayos na pakikipagtalastasan. Ang pang-apat na proyektong aming isasagawa ay ang pagkakaroon ng isang paligsahan tungkol sa mga salitang nauuso sa telebisyon at ang kahulugan nito. Ito ang magsisilbing ebalwasyon ng aming adbokasiya sapagkat ang mga kalahok dito ay piling estudyant lamang na aming bibigyan ng glosaryo. Kung kaya’t dito namin malalaman kung ang aming adbokasiya ay epektibo. Ang mananalo sa larong ito ay bibigyan ng premyo.
___________________________________________________________
BENEPISYO
_________________________________________________________________________
Matapos maisakatuparan ang mga layunin, mithiin at mga proyekto ng adbokasiyang ito, inaasahan ang mga sumusunod:
• Inaasahan na mamumulat ang bawat isa at lalo na ang kabataan sa mga kahulugan ng mga salitang nauuso, mula sa mga variety shows sa telebisyon bago nila ito isama sa mga bokabularyong ginagamit nila para sa araw-araw na pakikipagtalastasan.
• Inaasahang hindi na magiging hadlang ang mga salitang natututunan sa telebisyon sa maayos na pakikipagugnayan sa iba. Sa pamamagitan nito ay makakamit ang pagkakaisa at kapayapaan sapagkat mas magkakaintindihan na ang bawat isa
• Inaasahan na sa pamamagitan ng paligsahan na lalahokan ng ilang kabataan ay malalaman natin kung ilan nga lang ba ang mga may alam ng tamang paggamit ng mga salitang nauuso mula sa telebisyon. Sa pamamagitan nito ay mapagtatanto ng iba pang kabataan na bago nila gamitin ang salitang kanilang naririnig mula sa telebisyon ay dapat munang alamin at unawain.
____________________________________________________________